Botohan ng Supreme Court En Banc sa Quo warranto case laban kay Sereno, tuloy sa Biyernes, May 11
Itutuloy ng Korte Suprema ang Special En Banc session nito sa Biyernes, May 11 para pagbotohan ang Quo warranto petition laban kay Chief Justice Maria Lourdes Sereno.
Ito ay kahit nagbalik na sa trabaho sa Kataas-taasang Hukuman si Sereno.
Ayon sa Supreme Court Public Information Office, batay sa abiso ni Acting Chief Justice Antonio Carpio isasagawa ang special en banc session ng Korte Suprema sa Mayo a -onse sa ganap na alas 10:00 ng umaga.
Sinabi naman ng kampo ni Sereno na ito raw ang magpi-preside sa special en banc session pero ito ay mag-i-inhibit sa deliberasyon sa quo warranto petition laban sa kanya.
Batay naman sa isang opisyal ng Supreme Court na kung dadalo si Sereno sa special en banc session ay hihilingin ng mga mahistrado na umalis ito ng sesyon dahil sa tatalakayin ang kaso laban dito.
Ulat ni Moira Encina