Botohan sa Poll protest case, inaasahan sa susunod na Martes – Chief Justice Bersamin
Kinumpirma ni Chief Justice Lucas Bersamin na sa susunod na Martes ay magkakaroon na ng resulta ang electoral protest case ni dating Senador Bongbong Marcos laban kay Vice- President Leni Robredo.
Tatlong beses nang hindi natuloy ang botohan ng Supreme Court sa protesta ni Marcos laban kay Robredo.
Sinabi ni Bersamin na inaasahang pagbobotohan sa kanilang En Banc session sa October 15, Martes ang kaso.
Tiniyak pa ng Punong Mahistrado na hindi nila lulutuin ang ilalabas na desisyon.
Maaring hindi anya ito ang inaasahan ng marami dahil marami pa rin silang tatalakayin sa susunod na deliberasyon.
Partikular na pagbobotohan ng Supreme Court na umuupo bilang Presidential Electoral Tribunal (PET) kung kailangang bilangin muli ang resulta ng botohan sa iba pang mga lalawigan na kasama sa protesta ni Marcos o kung tuluyan itong ibabasura.
Una nang isinumite noong Setyembre sa PET ng ponente sa kaso na si Justice Alfredo Benjamin Caguioa ang report niya ukol sa resulta ng recount sa tatlong pilot provinces na tinukoy ni Marcos poll protest nito.
Samantala pinangunahan ni Bersamin ang paglulunsad sa bagong seksyon sa Judiciary memorabilia hall kung saan tampok ang mga mementos, gawa at achievement ni Bersamin na magreretiro na sa October 18.
Ulat ni Moira Encina