BPI tiniyak na “safe and secure” ang account ng mga customers matapos ang ‘di otorisadong “0431 Debit Memo”
Nag-top trending topic sa Twitter ang “0431 Debit Memo” ngayong Miyerkules matapos na iulat ng ilang customers ng BPI ang hindi otorisadong debit transactions sa kanilang bank accounts.
Bigo rin ang account holders na ma-access ang website at mobile app ng bangko.
Sa statement ng BPI sa Facebook page nito, sinabi na na-doble ang posting ng ilang debit transactions mula noong December 30 hanggang December 31, 2022.
Partikular na rito ang ATM, Cash Accept Machine (CAM) deposits, Point of Sale (POS) at e-commerce debit transactions sa mga nabanggit na petsa.
Tiniyak naman ng BPI na “safe and secure” ang accounts ng kanilang mga kliyente.
Ayon pa sa bangko, isinasaayos na nila ito para maitama ang na-dobleng transactions.
May ilang customers ang nagsabing na nabawasan sila ng P40,000 mula sa kanilang BPI accounts.
Kaugnay nito, inulan ng reklamo ang social media page ng BPI mula sa mga galit na customers.
Umaasa sila na talagang secured ang kanilang pera sa nasabing bangko at maisaayos agad ang aberya.
Ayon naman sa iba, sana ay huwag security breach ang nangyari.
Pinawi naman ng ilang BPI customers ang pangamba ng kapwa nila kliyente dahil nagkakaroon naman daw talaga sa mga nakaraan ng system glitch ang bangko pero ito ay nareresolba sa parehong araw.
Sinabi naman ng iba na maging ang transactions nila ngayong Enero ay apektado at hindi lang ang mga transaksyon noong December 30 at 31.
May ilan naman na nagsabi na kahit wala silang transaksyon sa mga naturang araw ay nabawasan pa rin sila ng pera sa kanilang accounts.
Moira Encina