Brazil naka-alerto laban sa dengue
Nagbukas ang Sao Paolo ng isang emergency operations center, upang tugunan ang pagtaas sa mga kaso ng dengue na nararanasan ngayon sa Brazil at South America kasabay ng pagdagsa ng milyun-milyong mga turista para sa carnival celebrations.
Tumaas din ang mga kaso ng mosquito-borne disease sa Argentina, kung saan nakapagtala ng 10,000 mga kaso sa unang tatlong linggo ng 2024.
Samantala, ang Paraguay ay nagdeklara ng isang health emergency kaugnay ng dengue. Nakapagrehistro ito ng 36 na pagkamatay simula noong Disyembre, kabilang ang 12 bata ayon sa mga opisyal doon.
Ang Rio de Janeiro, na ikalawang pinakamalaking siyudad sa Brazil kasunod ng Sao Paulo, ay nagdeklara naman ng isang public health emergency noong Lunes, apat na araw bago ang opisyal na pagbubukas ng popular na carnival.
Inanunsyo ng mga awtoridad ang pagbubukas ng 10 dedicated treatment centers, upang mabawasan ang pressure sa mga ospital sa Rio.
Ang Brasilia, kapitolyo ng Brazil ay nagbukas ng isang emergency field hospital.
Ang Brazil ay nakapagrehistro ng 345,235 malamang na mga kaso ng dengue sa unang limang linggo ng taon, halos apat na ulit kaysa bilang na naitala sa kaparehong peryodo noong isang taon.
Tatlompu’t isang katao na ang namatay sa dengue ayon sa Brazilian health ministry, na inaanalisa pa rin ang 234 na iba pang pagkamatay na maaaring dengue rin ang sanhi.
Isang drone naman ang sinusubok ng Sao Paulo na gumagamit ng larvicide upang puksain ang mga lamok sa mga lugar na mahirap marating.
Plano ng Brazil na simulan ngayong Pebrero ang isang public vaccination campaign laban sa dengue, bagama’t dahil sa kakulangan ng doses mula sa gumagawa ng vaccine, ang Japanese pharmaceutical company na Takeda, ay mga batang edad 10 hanggang 14 lamang muna ang target na mabakunahan.
Ayon sa gobyerno ng Brazil, pinag-aaralan nito ang mga opsyon upang gumawa ng lokal na dengue vaccine.
Ang Dengue, na maaaring magdulot ng hemorrhagic fever, ay nakaapekto sa tinatayang 100 – 400 milyong katao bawat taon, bagama’t karamihan sa mga kaso ay mild o asymptomatic, ayon sa World Health Organization.