Brazil states sinuspinde ang AstraZeneca COVID-19 vaccine para sa mga buntis
RIO DE JANEIRO, Brazil (AFP) – Sinuspinde ng Sao Paolo, Rio de Janeiro at iba pang Brazilian states, ang pagbabakuna sa mga buntis gamit ang AstraZeneca sa payo na rin ng national health regulator, matapos mapaulat na may namatay.
Ayon sa isang pahayagan sa Brazil, iniimbestigahan na ng health ministry ang pagkamatay ng isang babae sa Rio de Janeiro na nabakunahan ng AstraZeneca.
Hindi naman kinumpirma ng health ministry ang nasabing ulat, subalit inirekomenda ng Anvisa regulator nitong Lunes ang “immediate suspension” ng AstraZeneca vaccines para sa mga buntis, kaugnay ng nagpapatuloy nilang monitoring sa “adverse events” ng anti-COVID vaccines na ginagamit sa bansa.
Ayon naman sa Rio de Janeiro municipal health secretariat, nagpasya ang mga awtoridad na suspendihin ang pagbabakuna ng naturang vaccine sa mga buntis at mga bagong panganak sa kapitolyo, hanggang sa makumpleto ng Ministry of Health ang imbestigasyon sa kaso ng adverse event sa isang babaeng buntis.
Ipinatupad na rin ng iba pang mga munisipalidad sa estado ang naturang panuntunan, kung saan 22 sa 27 estado ng Brazil ang gumawa na rin ng katulad na hakbang.
Sa isang pahayag ay sinabi ng AstraZeneca, na ang mga buntis at nagpapasusong mga ina ay hindi kasama sa kanilang vaccine tests, na anila’y common practice sa clinical trials.
Ayon pa sa AstraZeneca . . . “There were no adverse effects related to pregnancy observed in studies on animals.”
Sa ilang bansa sa Europa ay ipinagbawal ibigay ang AstraZeneca vaccine sa mga matatanda lamang, matapos magkaroon ng kaugnayan ang bakuna at ang hindi pangkaraniwan pero madalas ay nakamamatay na blood clots na sinabayan pa ng mababang platelets levels.
Sa Denmark ay tuluyan nang inabandona ang paggamit sa AstraZeneca, at ang mga eksperto naman sa Britanya ay nagrekomenda na bigyan ng ibang bakuna ang mga nasa edad 40 pababa.
@ Agence France-Presse