Breakfast meeting na ipinatawag ni Cong. Paolo Duterte, kinansela na….suporta ng Duterte coalition kay Taguig Cong. Alan Peter Cayetano, luminaw na
Kinansela na ang Breakfast meeting na ipinatawag ni Davao City Congressman Paolo Duterte na gaganapin sana kaninang alas-8:00 sa South lounge ng Kamara.
Si Davao Congressman Isidro Ungab ang nag-anunsyo sa mga Kongresista na ang breakfast meeting at inilipat na sa Nograles Hall ng Kamara kung saan ginagawa ang breakfast meeting na pinangunahan naman ni Taguig City Cong. Alan Peter Cayetano.
Ayon kay Albay Rep. Joey Salceda ang paglipat ng venue na ito ng breakfast meeting ni Cong. Pulong ay isang indikasyon na kinikilala na rin ng grupo nito si Cayetano bilang magiging House Speaker sa unang 15 buwan ng 18th Congress.
Kaugnay nyan, wala ng inaasahang pasabog sa pagbubukas ng sesyon mamayang 10am.
Ayon kay Salceda, inaasahan na rin na mamaya ay ino-nominate nina Leyte Cong. Martin Romualdez, Marinduque Cong. Lord Allan Velasco at Cong. Pulong si Cayetano para maging susunod na House Speaker.
Si Velasco ay ka-term sharing sa house speakership ni Cayetano habang si Romualdez na isa sa mga naging kandidato rin sa posisyon ay inaasahan namang magiging House Majority leader.
Ayon kay Salceda, nakarating sa kanila ang mensahe ni Pangulong Duterte na hindi ito pupunta sa SONA mamaya kung magulo ang mga Kongresista kaya nag-behave na sila.
Ayaw na rin aniya nilang maulit ang tensyon nuong nakaraang sona na nagkaroon ng kudeta sa liderato ni Rep. Pantaleon Alvarez at hindi malaman kung sino ang sasama sa pangulo sa pag-akyat sa rostrum.
Ulat ni Madelyn Moratillo