BREAKING: SC nag-isyu ng TRO laban sa Oplan Baklas ng COMELEC
Pinigil pansamantala ng Korte Suprema ang pagpapatupad ng Oplan Baklas o pagtanggal ng COMELEC sa campaign posters.
Ang TRO ay inisyu ng Supreme Court kasunod ng petisyon na inihain ng ilang taga-suporta ni presidential candidate at Vice- President Leni Robredo.
Kasabay nito, inatasan ng Korte Suprema ang COMELEC na maghain ng komento sa petisyon sa loob ng 10 araw.
Partikular na kinuwestiyon ng mga supporters ni Robredo ang pagbaklas ng poll body sa mga campaign materials na nasa bahay o private property ng mga volunteers at tagasuporta ni Robredo.
Hiniling nila sa SC na ideklarang labag sa Saligang Batas ang probisyon sa regulasyon ng poll body na pinagbatayan nito sa pag-alis sa mga election materials na pag-aari o pinondohan ng mga volunteers at pribadong mamamayan at nasa kanilang private property.
Iginiit ng petitioners na aplikable lamang sa mga kandidato at political parties ang regulasyon ng COMELEC sa mga campaign tarpaulins.
Ayon pa sa petitioners, pagsagka sa freedoms of speech, expression, at due process kung hahayaan ang COMELEC sa interpretasyon ng polisiya nito laban sa election posters.
Moira Encina