Brigada Eskwela 2023 kick off pinangunahan nina PBBM at VP Sara
Pinangunahan nina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at Vice President at Education Secretary Sara Duterte ang kick off ng Brigada Eskwela 2023 sa Victorino Mapa High School sa Maynila.
Sa naturang aktibidad nagkaloob ng isang milyong pisong donasyon ang Pangulo sa eskwelahan, bukod pa sa mga pintura at iba pang materyales para sa pagsasa-ayos ng pasilidad.
Sabayang isinasagawa ngayong Lunes, August 14 ang maintenance effort para ihanda ang mga eskwelahan sa pagbubukas ng klase sa August 29.
Kapwa nagpintura pa ng school chair sina Pangulong Marcos at VP Sara sa isang kwarto ng paaralan, at pagkatapos ay naglibot sa iba pang bahagi ng Victorino Mapa High School para subaybayan ang iba pang aktibidad.
Sa mensahe ni Pangulong Marcos, binigyang-diin niya ang pagtutulungan ng mga magulang, estudyante at mga guro, gayundin ng pribadong sector para matiyak ang magandang karanasan ng mga estudyante sa eskwelahan.
Ito rin ang kauna-unahang pasukan na magbabalik eskwela ang halos lahat ng paaralan.
“Dahil nag-lockdown tayo, ngayon nakabalik na muli, ito ang unang pasukan na medyo bumalik tayo sa normal, pero may mga inayos sa mga naging reklamo at yan ang pinagtityagaan at pinaghihirapan ni VP Sara,” paliwanag ng Pangulo.
Sa kaniyang pakikipag-usap sa staffs ng eswelahan, kinonsulta ng Pangulo ang mga ito kung ano ang kanilang masasabi sa panukalang ibalik sa dating buwan ang pasukan bago ang COVID-19 pandemic.
Sabi ng Pangulo, wala siyang preference ukol dito ngunit pinag-a-aralang mabuti ng Department of Education o DepEd ang mungkahi.
Isa aniya sa dapat maging konsiderasyon ang epekto ng climate change.
“Kailangang isama sa pag-a-aral kung ano ang dapat gawin, wala tayong preference, kailangang tingnan kung ano ang pinakamaganda both for teachers, kids and administrative or non teaching staff, baka papasukin natin mainit masyado baka hindi makayang gawin ang trabaho,” dagdag pa ng Pangulo.
Mula sa kasalukuyang pasukan na Agosto hanggang Hunyo ng susunod na taon, iminumungkahi ng ilang sector na ibalik ito sa dati na Hunyo hanggang Abril.
Weng dela Fuente