Bruce Willis, titigil na sa pag-aartista dahil sa kaniyang sakit
Hindi na naging sorpresa sa mga taong nakatrabaho ng aktor na si Bruce Willis, ang anunsiyong titigil na ito sa pag-aartista dahil sa kaniyang “cognitive difficulties.”
Ngayong linggo ay ibinunyag ng pamilya ng aktor sa “Die Hard” franchise na na-diagnose ito na may aphasia, isang disorder na nakaaapekto sa paggamit at pag-unawa sa salita.
Ayon sa mayoclinic.com, ang aphasia ay isang kondisyon na nakaaapekto sa kakayahan ng isang tao na makipag-usap. Apektado kasi nito ang pagsasalita, maging ang pagsulat at ang pag-unawa kapwa sa mga salitang sinasabi o mga salitang nakasulat.
Karaniwan na agad itong nararanasan makalipas ang isang stroke o head injury. Nguni’t maaari rin itong maranasan nang dahan-dahan sanhi ng brain tumor na mabagal na lumalaki o isang sakit na nagdudulot ng progresibo at permanenteng pinsala.
Ayon sa filmmakers na nakatrabaho ng 67-anyos na si Willis, ang sitwasyon ng kaniyang kalusugan ay napansin na nila sa mga nakaraan.
Ilan sa mga nakapanayam ang nagsabi na may mga pagkakataon na tila hindi alam ng aktor ang nangyayari sa kaniyang paligid at nahihirapan sa kaniyang mga linya, kahit pa ipinag-utos ng producers na iklian ang scripts para kay Willis.
Sinabi ng director ng “Out of Death” na si Mike Burns, isa sa mga director ng 22 pelikula na ginawa ni Willis sa loob ng apat na taon, na agad niyang napansin na may problema ang bida ng “Moonlighting.”
Aniya . . . “After the first day of working with Bruce, I could see it firsthand and I realized that there was a bigger issue at stake here and why I had been asked to shorten his lines.”
Sabi naman ni Jesse Johnson, director ng low-budget film na “White Elephant,” na ang Bruce Willis na kasama niya sa pagsisimula ng shooting noong nakaraang taon ay iba sa aktor na nakatrabaho niya, ilang dekada na ang nakalipas.
Wika ni Johnson . . . “It was clear that he was not the Bruce I remembered.”
May mga ulat naman na nagsasabing natandaan ng mga crew sa pelikula na sinabi ni Bruce na alam niya kung bakit naroon ang crew subali’t di niya alam kung bakit siya naroon.
Kuwento pa ni Johnson . . . “After our experience on ‘White Elephant,’ it was decided as a team that we would not do another. We are all Bruce Willis fans, and the arrangement felt wrong and ultimately a rather sad end to an incredible career, one that none of us felt comfortable with.”
Si Willis ay naging isang major box office star mula sa orihinal na “Die Hard” kung saan ginampanan niya ang karakter ni John McClane.
Sa kaniyang career na inabot na ng dekada, kumita siya ng eight-figure paychecks para sa mga pelikulang gaya ng “Look Who’s Talking” at “Armageddon.”
Iniulat pa ng isang pahayagan, na sa mga pelikula ni Willis kamakailan, ang aktor ay binayaran ng dalawang milyong dolyar para lamang sa dalawang araw na shooting.
Sinabi naman ni Terri Martin na siyang nangasiwa sa produksiyon ng “White Elephant,” na tila nawawala sa sarili si Willis.
Aniya . . . “He is one of the all-time greats, and I have the utmost admiration and respect for his body of work, but it was time for him to retire.”
Patuloy naman ang pagdagsa ng tributes para sa aktor nitong Huwebes.
Para kay Haley Joel Osment na co-star ng aktor sa “Sixth Sense” . . . “Willis is a true legend who has enriched all of our lives with a singular career that spans nearly half a century. I am so grateful for what I got to witness firsthand, and for the enormous body of work he built for us to enjoy for years and years to come.”