BSP: 20 pisong salaping papel, puwede pa rin gamitin sa mga transaksyon
Pinabulaanan ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang mga mensahe na kumakalat sa mga group chats na idi-demonitized o aalisin na sa sirkulasyon ang 20-pisong salaping papel sa katapusan ng taon.
Sa abiso ng BSP, sinabi nito na nananatiling legal tender o maaari pa rin na gamitin sa mga transaksyon ang 20-Piso na New Generation Currency (NGC) banknotes kasama ang 20-Piso na NGC coins.
Ayon sa central bank, unti-unting aalisin ang 20-Piso NGC banknotes sa sirkulasyon sa pamamagitan ng natural attrition o hanggang sa maging unfit na ito para sa recirculation.
Una rito ay nagpalabas ng abiso ang BSP sa mga bangko na itaguyod ang distribution, recirculation at paggamit ng 20-piso na barya.
Inilabas ang 20-Piso NGC coins noong December 17, 2019.
Hinimok ng BSP ang publiko na gamitan nang tama at i-recirculate ang mga Philippine coins para sa kanilang economic at cultural value.
Moira Encina