BSP binalaan ang publiko laban sa ‘smishing’ scams
Muling pinaalalahanan ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang publiko na mag-ingat sa ‘smishing’ na isang uri ng phishing scam.
Sa nasabing modus, nagpapadala ang scammers ng text messages na layong linlangin ang biktima para i-click ang malisyosong links.
Sa oras na pindutin ang link ay otomatikong magda- download ang malwares o kaya ay mapupunta ito sa websites na kumukolekta ng impormasyon na maaaring gamitin para sa fraud.
Para makatulong na maiwasan ito, inabisuhan ng BSP ang publiko na maingat na basahin ang mga mensahe; huwag i-click ang links kahit na ito pa ay tila galing sa mga bangko, e-money issuers, o kilalang kumpanya at brands; at protektahan ang personal na impormasyon.
Nilinaw ng central bank na ang mga lehitimong financial institution ay hindi magtatanong ng personal details at account credentials gaya ng username, password, at one-time pin (OTP) mula sa customers sa pamamagitan ng text messages o links sa websites.
Pinayuhan din ng BSP ang mga konsyumer na nakaranas ng tangkang smishing na iulat agad ito sa kanilang mga bangko o e-money providers.
Moira Encina