BSP: E-payments sa bansa, patuloy ang pagtaas
Naitala ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang mabilis na pagtaas ng digital o e-payments sa bansa sa nakalipas na dalawang taon.
Ayon sa 2020 Report on E-payments Measurement ng BSP, mula sa 10% noong 2018 ay nakamit ang 20.1% na monthly digital payments sa bansa noong 2020.
Ibig sabihin nito ay isa sa bawat limang payment transactions ay digital.
Nalagpasan nito nang bahagya ang target ng BSP na “20% by 2020” nang ilunsad ang National Retail Payment System noong 2015.
Ang 10% itinaas sa e-payments sa nakalipas na dalawang taon ay mas mataas din kumpara sa 9% growth na naiulat mula 2013 hanggang 2015.
Sinabi ni BSP Governor Benjamin Diokno na ang pagtaas ng paggamit ng e-payments ay pangunahing itinutulak ng person-to-merchant payments at person-to-person (P2P) payments.
Tinukoy din ng BSP sa report nito na ang electronic fund transfers partikular ang wallet-to-wallet fund transfers ang most used payment mode.
Inihayag pa ni Diokno na ang mga restrictions dala ng pandemya ang naging strong catalyst para lumawak ang paggamit ng e-payments sa bansa.
Aniya bagamat ang pandemya ay nakagambala sa paraan ng pamumuhay ng mga tao ay lumikha ito ng mga oportunidad para mapalakas ang e-payments at financial inclusion sa bansa.
Target naman ng BSP na pagdating ng 2023 ay 50% ng retail payments sa bansa ay digital na.
Moira Encina