BSP hindi na tatanggap ng mga aplikasyon para sa digital banks simula Agosto 31
Nagpasya ang Monetary Board ng Bangko Sentral ng Pilipinas na ihinto ang pagtanggap ng mga aplikasyon para sa bagong digital banks simula sa Agosto 31.
Ayon kay BSP Governor Benjamin Diokno, ito ay alinsunod sa kabuuang layunin na mapanatili ang stable at competitive environment para sa mga bangko.
Sa pamamagitan din aniya ng paglimita sa bilang ng digital banks ay mababantayan nang mas mabuti ng BSP ang performance at epekto ng digital banks sa banking system at ang kanilang kontribusyon sa financial inclusion agenda.
Sinabi ni Diokno na mahalaga na matiyak ng BSP na may healthy competition sa mga bangko upang makapag-alok ito ng innovative at competitive na financial products at services sa kanilang mga kliyente.
Sa ngayon ay inaprubahan ng Monetary Board ang limang digital banks kabilang dito ang dalawang incumbent banks na pinalitan ang kanilang existing license ng digital bank licenses.
Bukod sa lima ay kasalukuyang ipinoproseso ng BSP ang mga aplikasyon ng dalawang iba pang digital banks.
Ang digital banks ay branchless o walang physical branch at nag-a-alok ng mga financial products at services na ipinoproseso end-to-end sa electronic channels o digital platforms.
Moira Encina