BSP: Implasyon ngayong Enero, maaaring pumalo hanggang 8.3 %
Posibleng pumalo hanggang 8.3% ang implasyon o ang bilis ng pagtaas ng mga presyo ng mga pangunahing bilihin at serbisyo sa bansa ngayong Enero.
Batay sa inflation forecast ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), inilagay ang January 2023 inflation sa 7.5 hanggang 8.3%.
Ayon sa BSP, bunsod ito ng mas mataas na singil sa kuryente at presyo ng produktong petrolyo, inaprubahang water rebasing, pagsipa ng presyo ng ilang pangunahing pagkain, at taunang pagtaas ng sin taxes.
Noong Disyembre 2022 naitala ang inflation sa 8.1%.
Sinabi naman ng central bank na maaaring makaibsan sa implasyon ngayong buwan ang pagbaba ng presyo ng LPG at pagtaas ng halaga ng piso.
Tiniyak ng BSP na patuloy nitong babantayan ang price development at iaakma ang monetary policy para mapanatili ang price stability sa bansa na mandato nito.
Aminado naman ang isang opisyal ng Department of Finance (DOF) na inaasahan ng kagawaran na magiging isyu pa rin ngayong taon sa bansa ang mataas na implasyon at ang pagbagal ng global economy.
Sa isang business forum, sinabi ni Finance Assistant Secretary Eufricinio Bernabe Jr., na makatutulong naman nang malaki sa ekonomiya kung ang mga Pilipino ay dito muna sa bansa magri- “revenge spending” o gumasta.
Kampante naman si Bernabe sa recovery ng ekonomiya ng Pilipinas kasunod na rin ng pag-apruba ni Pangulong Bongbong Marcos Jr ng Philippine Development Plan (PDP) 2023-2028 at iba pang fiscal policies at reforms ng administrasyon.
Moira Encina