BSP inabisuhan ang mga financial institutions na palakasin ang sistema laban sa digital vote buying o selling

Ngayong papalapit na ang halalan, nakikipag-ugnayan na ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) sa COMELEC at PNP para mabawasan kung hindi man masawata ang vote buying o selling gamit ang digital financial platforms.

Ayon pa sa central bank, naglabas ito ng memorandum para sa BSP-supervised financial institutions (BSFIs) upang ma-mitigate ang posibleng paggamit ng online banking o mobile wallets sa pagbili o pagbenta ng mga boto.

Pinaalalahanan ng BSP ang financial institutions na palakasin ang kanilang surveillance at monitoring system para malabanan ang electronic vote buying o selling.

Tinukoy pa ng BSP ang mga posibleng scenarios gaya ng maraming bilang ng transaction account registration kung saan lipana ang vote buying.

Dapat din anilang maging mapagbantay ang mga bangko sa malalaking cash transactions sa election period.

Pinayuhan din ang BSFIs na i-adjust ang fraud management systems at transaction monitoring parameters nito para mapigilan ang posibleng misuse ng online financial channels.

Hinimok naman ng BSP ang publiko na isumbong sa PNP o NBI ang anumang hinihinalang iligal na gawain na may kaugnayan sa digital financial transactions.

Moira Encina

Please follow and like us: