BSP inabisuhan ang publiko na suriing mabuti maging ang mga pera mula sa ATMs
Pinaalalahanan muli ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang publiko maging mapanuri sa mga natatanggap na salaping papel maging ang mula sa mga ATMs.
Ayon sa BSP, dapat gawin ang “feel, look, tilt” method sa pagsuri sa mga perang papel para malaman kung authentic o tunay ang hawak na salapi.
Sinabi ng BSP na kung ang perang galing sa ATM ay hinihinalang peke ay agad itong iulat sa bangko na nagmamay-ari ng machine.
Ang bangko naman ay agad na magsasagawa ng imbestigasyon upang maberipika kung ang salapi ay galing sa ATM ng bangko.
Kung maberipika ang ulat ay dapat na palitan ng bangko ang perang papel.
Tiniyak naman ng BSP na ang mga bangko ay may sapat na risk management measures para maiwasan ang mga nasabing insidente.
Bukod sa pagkakabit ng cameras sa ATM areas, sinasanay din ang cash handlers at service providers na nagri-refill ng ATMs para ma-detect ang mga pekeng pera bago ilagay ang mga salapi sa ATMs.
Moira Encina