BSP inaprubahan ang operasyon ng anim na digital banks hanggang 2024
Nilimitahan lamang ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) sa anim ang digital banks sa bansa hanggang sa 2024.
Una nang itinigil ng BSP noong Agosto 31 ang pagtanggap ng mga aplikasyon para sa bagong digital banks.
Ayon kay BSP Governor Benjamin Diokno, may ikapito pa dapat na slot pero nabigo ang siyam na karagdagang aplikante na makumpleto ang mga hinihinging requirement.
Sinabi ni Diokno na mababantayan nang mas mabuti ng BSP ang performance at epekto ng digital banks sa banking system at matitiyak ang healthy competition sa paglimita sa bilang nito.
Ang digital banks ay branchless o walang physical branch at nag-a-alok ng mga financial products at services na ipinoproseso end-to-end sa electronic channels o digital platforms.
Kabilang sa mga inaprubahang digital banks ang Overseas Filipino Bank ng Land Bank of the Philippines; Tonik Bank of Singapore; UNObank of Singapore; Union Digital ng Union Bank of the Philippines; GOtyme ng Robinsons Bank Corp.; at Maya Bank.
Naniniwala ang BSP na ang pagsulpot ng digital banks ay game-changer sa delivery ng financial products at services mula sa tradisyunal na bangko.
Moira Encina