BSP ipinapatigil ang operasyon ng social media app na Lyka bilang Operator of Payment System
Ipinagutos ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) sa social media platform na Lyka na suspendihin ang operasyon nito bilang Operator of Payment System (OPS).
Sa online press briefing, sinabi ni BSP Governor Benjamin Diokno na kailangang mag-rehistro sa central bank ang Lyka bilang OPS.
Aniya nabatid ng BSP na maaaring makabili, magpalitan, at gumamit ng GEMs o Gift cards in Electronic Mode ang mga Lyka user bilang pambayad sa mga produkto at serbisyo.
Paliwanag ni Diokno, isang OPS ang Lyka dahil sa nasabing mga aktibidad kaya dapat itong mag-rehistro sa BSP para maipagpatuloy ang payment operations nito.
Ang pagsuspinde sa OPS operations ng Lyka ay alinsunod sa National Payment Systems Act at sa BSP circular ukol sa mga panuntunan sa rehistrasyon ng mga OPS.
Inihayag naman ni Diokno na nagsabi na ang Lyka na handa ito na magrehistro bilang OPS.
Una nang inabisuhan ng BSP ang publiko na huwag makipagtransaksyon sa mga hindi rehistradong payment service operators.
Hinimok din ng central bank ang publiko na iulat sa kanilang Payment System Oversight Department ang mga unregistered OPS.
Kabilang sa mga OPS ay ang cash-in service providers at bills payment service providers.
Ang mga OPS din ay ang mga entities gaya ng payment gateways, platform providers, payment facilitators at merchant acquirers na nagpapahintulot sa mga nagtitinda ng produkto at serbisyo na tumanggap ng bayad in cash o kaya ay digital form.
Moira Encina