BSP magbubukas ng foreign exchange facility para sa mga returning Pinoys mula Ukraine
Bahagi ng inisyatiba ng Bangko Sentral ng Pilipinas na tulungan ang mga Pinoy sa Ukraine na apektado ng kaguluhan doon, pinagtibay ng Monetary Board ang pagbubukas ng currency exhange facility (CEF) para sa Ukrainian Hryvnia.
Ayon sa BSP, maaaring magpapalit ang mga returning Pinoys mula sa Ukraine at kanilang pamilya ng Ukrainian currency nang hindi hihigit sa katumbas na Php20,000 sa bawat eligible person.
Para makapag-avail sa pasilidad, kailangan na magprisinta ng documentary proof ang Pinoy ng biyahe nito mula sa Ukraine tulad ng pasaporte.
Puwede rin na ipakita ang original o certified true copy ng travel document na inisyu ng Philippine Embassy sa Poland na may exit stamp ng Ukrainian authorities o ng ibang otoridad mula sa mga bansang nagsilbing exit points sa repatriation.
Ang exchange ay maaaring gawin sa BSP main office, regional offices and branches, at maging sa authorized agent banks.
Bukas ang pasilidad sa mga nag-uwiang Pilipino mula Pebrero 18 hanggang kasalukuyan.
Pero limitado lang ang availability nito sa loob ng apat na buwan.
Moira Encina