BSP, nakatanggap ng mahigit 20,000 reklamo sa Online Banking fraud
Umabot na sa 23,000 reklamo sa online bank fraud ang natatanggap ng Bangko Sentral ng Pilipinas sa kanilang website online chatbot mula nang buksan ito sa publiko noong nakalipas na taon.
Ito ay batay sa report ng BSP sa Committee on Banks na pinamumunuan ni Senador Grace Poe.
Ito ay resulta ng pagbagal ng E-Payment scheme dahil marami ang tajot na mabiktima ng scam.
Dahil dito, sinabi ni Poe na dapat aksyunan ng BSP ang mga reklamo.
Kung matutugunan aniya ng BSP ang hinaing ng mga konsyumer at matulungan silang maibalik ang pinaghirapan nilang pera, makatutulong ito para mapalakas ang kumpiyansa ng mga konsyumer sa Online Transaction lalo na ang mga Overseas Filipino Workers.
Bagamat nakatutulong aniya ang chatbot ng BSP kung saan sila pwedeng magreklamo, gayundin ang information campaign para maragdagan ang awareness o kamalayan kung paano maiiwasang mabiktima ng panlilinlang.
Kailangan pa aniya ng mas mas matapang na aksyon hinggil dito.
Meanne Corvera