BSP nilinaw na hindi totoo na magiging barya ang P100 salaping papel
Pinasinungalingan ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang mga kumakalat na post sa social media ukol sa umano’y magiging barya na ang P100 perang papel.
Sinabi ng BSP na ang mga litrato na ginamit sa social media posts na nagpapakita ng P100 barya ay isang commemorative coin.
Ang naturang commemorative coin ay inilabas ng BSP noong 2017 para sa ika-100 anibersaryo ng Muntinlupa City.
Ipinaliwanag ng BSP na ang commemorative coins ay itinuturing na legal tender o maaaring gamitin pambili ng mga produkto o serbisyo maliban na lang kung i-demonetized ng central bank.
Karamihan din ng mga nasabing barya ay limitado lang ang bilang.
Ang pinakahuling P100 commemorative coins na inisyu ng BSP ay kinatatampukan ng mga bayaning sina Teresa Magbanua, Mariano Ponce, at General Emilio Aguinaldo.
Moira Encina