BSP: OFW personal remittances tumaas ng 6% sa unang 7 buwan ng taon
Tumaas sa US$3.167 billion o 2.6% ang personal remittances ng overseas Filipinos noong Hulyo mula sa US$3.085 billion sa parehong buwan noong nakaraang taon.
Ayon sa Bangko Sentral ng Pilipinas, nagresulta ito sa pagtaas ng cumulative remittances sa 6% sa unang pitong buwan ng 2021 na US$19.783 billion kumpara sa US$18.658 billion noong 2020.
Ang pagtaas ng personal remittances ay dahil sa remittances na ipinadala ng land-based workers na may work contracts na isang taon o higit pa at sea- and land-based workers na may kontrata nang wala pang isang taon.
Ang personal remittances o transfers ay tumutukoy sa mga salapi o in-kind na ipinadala sa pamamagitan ng informal channels.
Samantala, ang cash remittances na ipinadala ng OFWs sa bangko ay umabot sa US$2.853 billion noong Hulyo na mas mataas ng 2.5% kumpara noong isang taon.
Nasa 5.8% naman ang itinaas ng cumulative cash remittances mula Enero hanggang Hulyo ngayong taon na US$17.771 billion.
Ang pagtaas ng cash remittances sa unang pitong buwan ay pangunahing mula sa US, Malaysia, at South Korea.
Moira Encina