BSP: Panukalang batas para luwagan ang bank secrecy law ng bansa, kasama sa legislative priorities ni PRRD
Nasa listahan ng legislative priorities ni Pangulong Rodrigo Duterte para sa 18th Congress ang panukalang batas para luwagan ang bank secrecy law ng bansa.
Ayon sa Bangko Sentral ng Pilipinas, ipinabatid din sa kanila ng Office of the President na ini-refer na nito sa
Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC) ang Bank Deposits Secrecy Bill para sa prioritization at inclusion sa Common Legislative Agenda ng ehekutibo at lehislatura.
Una nang sumulat ang BSP sa Malacañang na mapabilang sa priority bills at masertipikahang urgent ng pangulo ang nasabing panukala.
Sinabi ng BSP na kapag napagtibay ang Bank Deposits Secrecy Bill ay mabibigyan ng karagdagang investigative powers o tools ang central bank para mahabol at mapatunayan ang fraud, serious irregularity at iba pang unlawful activity.
Nilinaw ng BSP na ang mga resulta ng kanilang eksaminasyon ay hindi isasapubliko pero maaaring ibahagi sa mga korte at iba pang regulators kung kinakailangan para maiwasan at mapanagot ang krimen.
Inihayag ng central bank na makatutugon ang Pilipinas sa international standards sa transparency at mapatataas ang kumpiyansa ng publiko at global community sa banking system ng bansa kapag lumusot ang panukala.
Sa ilalim ng kasalukuyang bank secrecy law, ipinagbabawal ang disclosure, inquiry, at eksaminasyon sa bank deposits.
Una nang sinabi ng BSP na ang Pilipinas na lamang ang tanging bansa na may bank secrecy law.
Moira Encina