BSP pinag-iingat ang publiko laban sa SIM card scams
Nagbabala ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) laban sa mga SIM card fraud.
Ayon sa BSP, pakay sa mga nasabing scam na makontrol ang SIM card at makuha ang One-Time PIN (OTP) na ipinapadala sa registered mobile phone number ng biktima.
Kapag nakuha ang OTP ay magagmit ito ng mga masasamang loob para sa mga hindi otorisadong transaksyon sa credit card ng biktima.
Ang halimbawa ng mga nasabing scam ay ang sim swap kung saan nakuha ng fraudsters ang sensitibong impormasyon ng biktima sa pamamagitan ng phishing.
Sa oras na makuha ang impormasyon ay magri-request ito sa mobile company ng bagong sim at kapag na-activate na ang bagong sim ay maa-access na ang e-wallet at bank accounts ng biktima.
Pinayuhan ng BSP ang publiko na huwag sagutin ang mga tawag o text mula sa sinuman na nagaalok ng SIM upgrade, SIM replacement, o nagtatanong ng OTP.
Iginiit ng central bank na hindi dapat ibigay ang SIM, OTP at anumang personal na impormasyon dahil sa hindi ito kailanman hinihingi ng mga bangko at iba pang financial institutions.
Moira Encina