BSP pinayuhan ang publiko na makipag-transakyon lamang sa rehistradong Virtual Asset Service Providers
Umaabot sa halos 20 million ang virtual currency transactions sa bansa batay sa pinakahuling datos ng Bangko Sentral ng Pilipinas noong Hunyo.
Ayon sa BSP, ito ay tumaas ng halos 400% mula sa 4.31 millon na naitala sa kaparehong panahon noong 2020.
Ang nasabing transaksyon ay katumbas ng halos 107 billion pesos na halaga.
Bunsod ng mabilis na pagtaas ng mga virtual assets transactions, pinaalalahanan ng BSP ang publiko na makipag-transaksyon lamang sa
mga rehistradong Virtual Asset Service Providers (VASPs).
Makikita ang kumpletong listahan ng central bank- registered VASPs sa website ng BSP.
Base sa listahan ng BSP, may 15 registered VASPs sa bansa.
Sinabi ng central bank na obligado ang registered VASPs na tumugon sa mga regulasyon o pamantayan na layong matiyak ang soundness ng operasyon at kalidad ng serbisyo, maprotektahan ang karapatan ng konsyumer at masiguro na may nakalatag na mekanismo para sa mga reklamo.
Nilinaw pa ng BSP na ang virtual assets (VAs) ay hindi ikinukonsiderang legal tender at hindi insured ng Philippine Deposit Insurance Corporation kaya dapat maingat ang publiko sa mga transaksyon nito na kinasasangkutan ng virtual assets.
Moira Encina