BSP pinayuhan ang publiko na suriin mabuti ang security features ng salaping papel
Biniberipika na ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang publiko ang mga ulat na kumakalat sa social media ukol sa sinasabing pagkakaroon ng pekeng P1,000 salaping papel.
Ayon sa BSP, sa ilalim ng RA 10951 ang counterfeiters o namemeke ng pera ng Pilipinas ay maaaring patawan nang hindi bababa sa pagkakakulong ng 12 taon at isang araw at multang hindi lalagpas sa P2 milyon.
Sinabi ng central bank na mula Enero hanggang Hunyo ngayong taon ay may 14 katao ang inaresto at siyam na kasong inihain laban sa counterfeiters.
Kaugnay nito, pinayuhan ng BSP ang publiko na suriing mabuti ang kanilang salaping papel para matiyak na ito ay tunay.
Para masiguro ng publiko na hindi peke ang hawak nilang banknotes o salaping papel ay gawin ang “Feel-Look-Tilt” method.
Una ay feel o kapain ang security paper at embossed prints ng salaping papel.
Ikalawa ay look o tingnan ang watermark, security fiber, assymetric serial number, at see-through mark ng salapi.
Panghuli ay tilt o itagilid ang salaping papel at suriin kung makikita ang security thread, concealed value, optically variable ink, optically variable device patch, at enhanced value panel para sa P500 at P1000 banknotes.
Moira Encina