BSP tiniyak ang sapat na suplay ng salapi sa mga lugar na naapektuhan ng bagyong Odette
May sapat na suplay ng salapi ang mga bangko sa mga lugar na sinalanta ng bagyong Odette.
Ito ang tiniyak ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) sa publiko sa harap ng kawalan ng kuryente at internet connection sa mga apektadong lugar.
Ayon sa BSP, sa kabila ng mga nasabing hamon ay nagpapatuloy ang serbisyo ng mga tanggapan at branches nito para maserbisyuhan ang currency requirements ng mga bangko sa Visayas at Mindanao.
Sinabi pa ng central bank na patuloy itong nagkakaloob ng full tellering services at nakaantabay para alalayan ang mga bangko sa currency needs nito.
Inabisuhan din ng BSP ang mga bangko na gumawa ng mga hakbangin upang matiyak ang availability ng cash sa mga ATMs nito.
Inihayag ng BSP na committed ito na matugunan ang currency needs ng mga lugar na tinamaan ng kalamidad para masuportahan ang agarang recovery nito.
Moira Encina