BTS, inisyuhan ng diplomatic passports para sa UN session
Pinagkalooban ng diplomatic passports ang K-pop sensations na BTS, para sa bago nilang papel bilang presidential envoys sa United Nations (UN) General Assembly.
Ang septet ay kilala na sa buong mundo, kung saan ang single nilang “Dynamite” ay nakabilang pa sa Billboard Hot 100 at nag-number one noong isang taon.
Ang BTS ang unang South Korean act na nag-top sa US chart.
Nagpasok sila ng bilyon sa ekonomiya ng South Korea, at nitong nakalipas na taon ang kanilang label na HYBE ay nagkaroon ng isang high-profile stock market debut.
Si president Moon Jae-in ang mismong nag-appoint sa grupo bilang special envoys niya para sa henerasyon at kultura sa hinaharap.
Ayon sa BTS leader na si RM . . . “It is a great honour to receive this title.”
Ang grupo ay binigyan ng red-covered diplomatic passports. Berde ang kulay ng ordinaryong South Korean passports.
Ilan sa privileges na tatamasahin ng grupo habang nasa official business, ay ang diplomatic immunity at exemption mula sa airport inspections.
Bilang special envoys, ang grupo ay magbibigay ng talumpati sa gaganaping Sustainable Development Goals Moment sa Lunes, bago ang nakatakdang UN General Assembly, at isang performance video rin ang ipalalabas.
Noong 2018, si RM ay nagtalumpati na rin sa wikang Ingles tungkol sa self-empowerment na may pamagat na “Speak Yourself,” sa UN General Assembly.
Marami naman ang nagbigay ng positibong reaksiyon sa bagong papel ng BTS, kung saan binanggit ng mga ito ang impact ng grupo sa International standing ng South Korea.
Ayon sa isang commentator ng Daum, ang pangalawang pinakamalaking web portal ng SoKor . . . “Thanks to BTS, the national image of South Korea has been greatly enhanced. They have done more work than hundreds of diplomats combined.”