Bucor Chief Nicanor Faeldon, pinasisibak sa puwesto ng mga Senador
Pinasisibak na ng mga Senador si Bureau of Corrections Chief Nicanor Faeldon kasunod ng kontrobersiya sa pagpapalaya sa mga convicted drugs lords sa New Bilibid Prisons.
Sinabi ni Senate President Vicente Sotto na dapat magpatupad rin ng malawakang balasahan sa Bucor dahil sa paglapastangan sa batas nang palayain ang mga na convict sa mga karumal-dumal na krimen.
Senador Tito Sotto:
“Dapat talagang managot ang mga opisyal ng Bucor dito hindi grabe inabuso nila yung batas eh. Ang sponsor namin si Senador Mirriam. Naalala ko sinasabi ni Mirriam itong batas na ito ay para makatulong ma-decongest ang national bilibid prison pero ang ide-decongest maganda behavior, matagal na at mahusay ang conduct usually pumatapak aging and ailing convicts pero hindi mga drug lord at mga murderer rapist. Hindi yun ang dapat makinabang don”.
Iginiit ni Sotto na mali ang interpretasyon ng mga opisyal ng Bucor at Board of Pardon and Parole (BPP) dahil malinaw na hindi sakop sa mapapaigsi ng sentensya sa ilalim ng Good Conduct Time Allowance law ang mga nahatulan sa heinous crime.
Sa Lunes aarangkada na ang imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon committee kung saan pagpapaliwanagin ang mga opisyal ng Bucor, BPP at Department of Justice.
Sabi ni senador Richard Gordon, chairman ng komite, pinadalhan na ng imbitasyon pero wala pang kumpirmasyon kung dadalo sa pagdinig si Faeldon.
Pero banta ni Gordon, maaari nila itong ipaaresto at ipakulong kapag inisnab ang pagdinig ng Senado.
Senador Richard Gordon:
“Recommendation ko ma-check and balance dadaan sa board of pardon and parole dapat makikita mo standards ng pagpapalaya good conduct”.
Pagtitiyak naman ni Senador Panfilo Lacson, marami silang ilalabas na impormasyon na maaaring magdiin kay Faeldon.
Kasama na rito ang inaprubahan nitong release order para sa pagpapalaya sa convicted rapists na si Antonio Sanchez taliwas sa pahayag ni Faeldon na imposibleng palayain si Sanchez sa ilalim ng GCTA law.
Naniniwala naman si Senador Manny Pacquaio na panahon na para ibalik ang death penalty sa Pilipinas para hindi na makalaya ang mga mapapatunayang dawit sa heinous crimes tulad ng mga drug lords.
Senador Manny Pacquaio:
“Kelangan i-push yung death penalty talaga sa tingin ko magandang solusyon yan na ibalik yan magagamit talaga ang dumadaming heinous crime sa atin”.
Ulat ni Meanne Corvera