BuCor pumayag na ilipat pansamantala sa Kamara ang kustodiya ng PDL na si Mark Taguba
Pumayag ang Bureau of Corrections (BuCor) sa kahilingan ng House Quad Committee, na pansamantalang ikulong ang PDL na si Mark Taguba sa detention facility ng Kamara.
Si Taguba ay isa sa mga nahatulan kaugnay sa P6.4 billion shabu shipment mula sa China na nasabat sa Valenzuela City noong 2017.
Ayon kay BuCor Director General Gregorio Catapang, Jr., sa ilalim ng patnubay ni Justice Secretary Crispin Remulla ay pinahintulutan nilang ilagay sa kustodiya ng Sergeant at Arms ng Kamara si Taguba, alinsunod sa mga umiiral na alintuntunin.
Una nang naghain ng mosyon sa pagdinig ang Quad Comm na ilipat pansamantala sa House detention facility ang PDL, hanggang sa matapos ang imbestigayon ng komite o hanggang sa matugunan ang posibleng banta sa buhay nito.
Nanindigan kasi si Taguba na ang anak ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na si Congressman Paolo Duterte at ang asawa ni VP Sara na si Manases Carpio ay sangkot sa nasabing shabu shipment na ipinuslit mula sa Tsina.
Moira Encina-Cruz