BuCor target na mailipat sa iba’t ibang kulungan nito sa lalawigan ang 2,500 Bilibid inmates ngayong taon
Plano ng Bureau of Corrections (BuCor) na ilipat sa penal colonies nito sa mga probinsya ngayong taon ang 2,000 hanggang 2,500 na inmates na nakapiit sa New Bilibid Prisons (NBP) sa Muntinlupa City.
Sa panayam sa DOJ matapos ang pulong kasama si Justice Secretary Crispin Remulla, sinabi ni BuCor Chief Gregorio Catapang Jr. na target nila na mailipat sa Abril sa mga kulungan nito sa lalawigan ang inisyal na 500 PDLs mula sa Bilibid.
Ang transfer ng mga bilanggo ay isasagawa kada buwan kung saan ang target nila ay hanggang 2,500 PDLs ngayong 2023.
Mag-a-arkila aniya ng barko ang BuCor para sa transportasyon at paglipat sa Bilibid inmates.
Ang hakbangin ay bahagi ng pag-decongest sa Bilibid at regionalization ng corrections system ng bansa.
Samantala, tinalakay din sa pulong ni Catapang kay Remulla ng plano para sa informal settlers na nasa lupain ng BuCor sa Muntinlupa City.
Nagpatulong aniya si Muntinlupa City Mayor Ruffy Biazon para sa nasa 1,000 informal settlers sa BuCor.
Ayon sa opisyal, bubuo ng technical working group ukol dito.
Moira Encina