Budget ng PSA binawi ng Senado dahil sa birth certificate for a fee
Hinarang ng mga Senador ang pagpapatibay sa panukalang budget ng Philippine Statistic Authority matapos madiskubre na nakakuha ng pasaporte ang ilang chinese nationals gamit ang mga totoong birth certificate.
Sa budget hearing para sa hinihinging pondo ng Department of Foreign Affairs at attached agencies nito, kinuwestiyon ni Senador Ronald Dela Rosa paano nakakuha ng mga orihinal na dokumento ang 12 chinese nationals.
Naalarma ang Senador dahil baka malagay na sa balag ng alanganin ang National Security ng bansa.
Posible aniyang hindi lang 12 ang nabigyan ng pasaporte dahil sa mga dokumento na inisyu ng PSA.
Ibinunyag din ni Senate President Juan Miguel Zubiri na batay sa kaniyang natanggap na impormasiyon sa National Bureau of Investigation, nag isyu ng birth certificate ang Civil Registry ng Caraga Region sa ilang chinese nationals.
Dismayado rin si Senador Koko Pimentel dahil malaking pondo ang inilalaan sa mga ICT Program ng Gobyerno para masawata ang ganitong uri ng fraud pero tila lumala pa ang sistema.
Dahil diyan, naghain ng mosyon si Senate Majority Leader Joel Villanueva na i-recall ang budget ng PSA na inaprubahan naman sa plenaryo.
Inatasan na rin ni Zubiri ang Senate Blue Ribbon Committee na imbestigahan ang isyu.
Sinabi ng DFA nagbatay lang sila sa mga dokumento na inisyu ng PSA kaya nabigyan ng pasaporte ang mga chinese nationals.
Pinahaharap sa budget hearing sa Lunes ang mga opisyal ng PSA para magpaliwanag.
Meanne Corvera