Budget provision para sa PHIVOLCS modernization iaakyat sa plenaryo ng Kamara
Maaari nang iakyat sa plenaryo ng Kamara ang panukala na naglalayong i-modernisa ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology o PHILVOLCS.
Ito’y matapos aprubahan ng House Committee on Appropriations ang budget provision ng panukala.
Sinabi ni Appropriations Committee Chairman Elizalde Co, nakapaloob sa unnumbered consolidated bill ang pagtatatag ng Phivolcs Modernization Fund para mapalakas ang kapabilidad at kapasidad ng ahensya pagdating sa human resource, monitoring network infrastructure, research and development, at interlocal linkages.
Ang mga donasyon, grant, regalo, kontribusyon at iba pa na matatanggap para sa modernisasyon ng PHIVOLCS ay bibigyan ng exemption sa pagbabayad ng donor’s tax at maaaring ikaltas sa gross income tax ng nagbigay.
Sa mga pagdinig sa Kamara, una nang sinabi ni PHIVOLCS Director Teresito Bacolcol na nasa 123 lang ang seismic stations ng bansa—malayo sa ideal na bilang na 300.
Habang sa 24 na aktibong bulkan sa bansa, 10 lamang ang nababantayan ng ahensya at sa sampung ito, dalawa lamang ang mayroong sapat na monitoring instruments.
Vic Somintac