Budget Secretary Benjamin Diokno dumepensa sa alegasyon ni Congressman Rolando Andaya na super-bidding body ng DBM
Hindi nangingialam ang Department of Budget and Management o DBM sa bidding process na ginagawa ng Procurement Service o PS gaya ng sinasabi ni House Majority Leader Rolando Andaya.
Ito ang depensa ng DBM sa akusasyon ni Andaya kay Budget Secretary Benjamin Diokno na ginawang isang super-bidding body ang departmento para sa mga proyekto ng gobyerno na aabot sa 198.8 billion pesos ang halaga.
Paliwanag naman ni PS Executive Director Bingle Gutierrez hiwalay na ahensya ang PS sa DBM at nakaattach lang sa DBM para sa administrative supervision. Ayon kay Gutierrez hindi umano nakikisawsaw ang DBM sa day to day operations ng PS at ang Bids and Awards Committee ang nangangasiwa sa bidding ng hindi kinakailangan ng approval o clearance mula sa DBM.
Matatandaang sinabi ni Andaya na dapat limitado lang sa common goods gaya ng office supplies ang saklaw ng procurement power ng PS pero pinasok na rin nito ang ibang mga proyekto gaya ng infrastructure projects.
Depensa naman ng DBM matagal na rin daw na hinahawakan ng PS ang procurement ng non-common goods at maging noong panahon ni Andaya bilang DBM secretary ay sila na rin ang humawak sa pagbili ng combat boots, individual load bearing equipment, at battle dress attire para sa Department of National Defense.
Nang umupo rin si Pangulong Duterte may mga reporma ring ginawa sa procurement process para masigurong mabilis na maihahatid ang serbisyo at produktong kinakailangan ng taumbayan.
Ulat ni Vic Somintac