Bulkang Mayon nananatili sa alert level 3; mabagal na daloy ng lava nagpapatuloy
Patuloy pa ring nakataas sa Alert Level 3 at mataas na aktibidad sa Mayon Volcano.
Sa nakalipas na 24 oras, patuloy ang mabagal na pagdaloy ng lava na umabot na sa 1.5 kilometro at lava collapse sa Mi-isi at Bonga Gullies sa loob ng 3.3 km mula sa crater.
Makikita sa inilabas na video Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) nitong Linggo ang mabagal na pagdaloy ng lava mula sa summit ng bulkan.
“Slow effusion of lava from Mayon Volcano’s summit dome continues for the 7th straight day. Video taken at 1:34 a.m. of 18 June 2023,”
Bagama’t walang naitalang volcanic earthquakes sa nakalipas na 24 oras, naitala naman ang 265 rockfall events at limang pyroclastic density current (PDC) events.
Nagbuga rin ang Mayon ng 889 tons/day ng sulfur dioxide nitong June 18, 2023.
Umabot naman sa 600 metro ang taas ng plume o pagbuga ng singaw na napadpad sa gawing kanluran.
Nauna nang ibinabala ng mga volcanologist ang posibilidad nang matagalang aktibidad ng Mayon.
Ngunit mas mabuti na raw ito kumpara sa explosive eruption na mas mapanganib para sa lahat.
Nananatili ang posibilidad na lumagpas pa sa 6 kilometer permanent danger zone (PDZ) ang pag-agos ng lava.
Una nang inatasan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang lahat ng ahensya ng gobyerno na maghanda ng relief para sa mga apektadong residente sa pag-a-alburuto ng Mayon para sa 90 araw.
Batay sa karanasan tumatagal nang hanggang 90 hanggang 110 araw ang pananatili sa evacuation center ng mga apektadong residente sa tuwing nag-a-alburuto ang Mayon.
Weng dela Fuente