Bulkang Taal, patuloy na naglalabas ng steam plume; Higit 70 volcanic quakes, naitala sa nakalipas na magdamag
Nananatiling nakapagtatala ng matataas na aktibidad ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) sa Taal Volcano.
Sa advisory ng Phivolcs kaninang alas-5:00 ng umaga, nakapagtala sa bulkan ng 74 volcanic earthquakes kasama na ang 61 volcanic tremor na may tagal na isa hanggang 25 minuto at mahihinang background tremor.
Patuloy ding nakapagtatala ng pagsingaw mula sa bungangang bulkan na may taas na 1,000 metro na napadpad sa Kanluran-Hilagang-Kanluran.
Nananatili sa Alert Level 3 ang bulkan kaya patuloy ang paalala ng Phivolcs na bawal ang pagpasok sa Taal Volcano Island at mga high-risk barangay ng Laurel at Agoncillo.
Bawal din ang pamamalaot o pamamalagi sa lawa ng Taal at paglipad ng anumang aircraft malapit sa tuktok ng bulkan.
Samantala, sinabi ni National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) Executive Director Ricardo Jalad na pinaghahandaan nila ang paglilikas sa nasa 500,000 residente sakaling lumala pa ang sitwasyon ng bulkan.
Batay sa risk map na ginawa ng Phivolcs, kasama sa mga posibleng ilikas ang mga residente sa ilang bahagi ng Tagaytay at Lemery maliban sa ilan pang bayan at lungsod sa Batangas.
Pinaghahandaan din nila ang epekto ng paglalabas ng bulkan ng poisonous gas, volcanic tsunami at falling debris.