Buntis na pulis, naragdag sa death toll ng Covid-19 sa PNP;
Isa pang kaso ng pagkamatay dahil sa Covid-19 ang naitala sa hanay ng Philippine National Police (PNP).
Dahil dito, umakyat na sa 36 ang death toll sa Pambansang Pulisya dahil sa karamdaman.
Ayon PNP officer-in-charge Guillermo Eleazar, ang pulis ay isang babaeng Commissioned officer na nakatalaga bilang document examiner at isa sa mga team leaders ng Valenzuela City Scene of the Crime Operations.
Buntis aniya ang pulis na ito nang magpositibo siya sa Covid-19 noong March 12.
Kaagad itong dinala sa Quarantine sa Arkong Bato Quaarantine facility pero inilipat sa Dr. Jose Rodriguez Memorial Medical Center noong March 17 dahil sa hirap sa paghinga.
March 18 nang nilagyan na ang pasyente ng Mechanical Ventilator para sa oxygen support.
Nagkaroon din ito ng seizures noong March 19 batay na rin sa kaniyang OB-in-charge.
Lumubha pa ang kalagayan nito matapos bumaba ang kaniyang heart rate at sa kabila ng ibinigay na mga medication at resuscitation, bumigay pa rin ang katawan nito.
Alas-5:38 ng umaga ng March 20, idineklarang patay na ang pulis pati na ang hindi pa niya naisisilang na sanggol.
Samantala, nagpaabot na ng pakikiramay ang pamunuan ng PNP sa pangunguna ni Eleazar at tiniyak ang mga suportang pinansyal at benepisyo para sa pamilyang naulila nito.
Kasabay nito, muling nagpaalala ang opisyal sa lahat ng Police personnel na manatiling mahigpit na sumusunod sa Health safety protocol lalu na ang mga buntis na pulis na naka-work from home.
Samantala, karagdagan pang 114 na pulis ang naitalang nagpositibo sa Covid-19 kaya umakyat na sa 13,010 ang kabuuang kaso.
Nasa 52 karagdagang mga nakarekober ang naitala sa PNP kaya umakyat na sa 11,674 ang mga gumaling sa Covid-19.