Bureau of Customs, muling iginiit na kailangan ng clearance mula sa Agriculture Department bago mairelease sa mga pantalan ang mga iniimport na karne at iba pang pork products
Tiniyak ng Bureau of Customs (BOC) na mahigpit sila sa pagsala sa mga dumarating na kargamento sa mga port of entry sa bansa lalo na sa mga meat products.
Ayon sa BOC, lahat ng mga iniimport na karne at iba pang pork products ay dumadaan muna sa inspeksyon at kailangang may clearance mula sa
Department of Agriculture (DA) bago makalabas sa mga port.
Batay sa isinasaad ng Republic Act 10611 o ang Food Safety Act of 2013, ang mga imported na pagkain ay dapat na dumadaan muna sa pagsusuri at may clearance mula sa DA at DOH.
Ayon sa BOC, ang ganitong regulasyon ay ipinatutupad nila para masiguro ang kaligtasan ng mga consumer at masigurong ang mga food products na papasok sa bansa ay ligtas mula sa iba’t ibang sakit gaya ng African Swine Fever.
Regular din aniyang nagbibigay ang BOC ng mga dokumento ng mga paparating na kargamento sa bansa sa DA at DOH para matukoy ang mga shipment na nangangailangan ng food safety inspection.
Sinabi naman ni Customs Assistant Commissioner Philip Maronilla na lahat ng imported agricultural goods na nasa reefer containers ay sumasailalim sa inisyal na eksaminasyon ng DA kasama ang mga examiner ng DA.
Matapos nito ay susuriin naman ng Bureau of Animal Industry (BAI), Bureau of Plant Industry at ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) sa kanilang accredited warehouse.
Habang ang meat products naman na nasa reefer container ay sineselyuhan ng bai para naman masuri ng National Meat Inspection service (NMIS).
Pagtiyak pa ng BOC na mahigpit nilang minomonitor ang pagpasok ng smuggled goods at iba pang kontrabando para masigurong walang makakalusot na meat products mula sa mga bansang tinamaan ng ASF.
Ulat ni Madz Moratillo