Bureau of Immigration binuweltahan ang scammer na si Xian Gaza ukol sa viral post nito na nalusutan niya ang immigration inspection sa NAIA
Pinag-aaralan na ng Bureau of Immigration (BI) ang mga kasong posibleng isampa nito laban sa scammer na si Xian Gaza dahil sa social media post nito na nalusutan daw niya ang immigration inspection sa NAIA sa kabila ng tatlong arrest warrant at sentensyang limang taong pagkakakulong laban sa kanya.
Sa serye ng mga pictures na pinost ni Gaza sa Facebook nito na naging viral, idinetalye nito kung paano siya nakalabas ng bansa kahit may kaso.
Ayon kay BI spokesperson Dana Sandoval, fake news at tila galing sa action movie ang kwento ni Gaza.
Paliwanag ni Sandoval, walang derogatory record sa BI si Gaza kaya pinayagan itong umalis sa bansa.
Ordinaryo at uneventful anya ang regular na immigration clearance na dinaanan ni Gaza at hindi mala-Hollywood na istorya.
Sinabi pa ni Sandoval na sa oras na may hold departure order o arrest warrant laban sa isang pasahero ay kaagad na pipigilan ito ng mga tauhan ng BI.
Ang dami rin anyang butas sa kwento ni Gaza ukol sa sinasabing pagkakalusot nito sa mga BI officials.
Hindi anya makakalusot ang isang may kaso sa pamamagitan ng pag-book ng maraming flight dahil nakarecord lahat sa sistema ng BI ang mga flights.
Sa isang pindot lamang anya ay malalaman na ng BI officers kung saang eroplano sumakay ang isang pasahero.
Iginiit ni Sandoval na ang nasabing stunt o pakulo ni Gaza para sumikat ay security risk.
Ginagawa rin anyang kakatwa ni Gaza ang airport procedures para makakuha ng atensyon.
Si Gaza ay unang naaresto dahil sa pagkakadawit sa mga investment scams.
Napabalita din siya dahil sa pagyaya nito sa aktres na si Erich Gonzales sa isang date sa pamamagitan ng Billboard ad.
Dana Sandoval, BI Spokesperson:
“Since he had no derogatory record when he left, he was cleared for departure. It was quite uneventful and ordinary, really. No Hollywood-level storyline, just regular immigration clearance. His story sounds like it was taken straight out of an action movie. He said it so himself, his story is based on what happened, but sadly it’s not what actually happened. Stunts like this using the Bureau to gain fame and stay relevant are a security risk. He is making a mockery of our airport procedures for attention.”
Ulat ni Moira Encina