Bureau of Immigration, mas maghihigpit sa pre-screening ng mga papaalis na OFW
Inatasan ng pamunuan ng Bureau of Immigration ang mga tauhan nito sa NAIA mas maghigpit sa screening ng mga papaalis na OFW dahil sa muling pagre-recruit ng mga trafficking syndicates sa mga menor de edad para magtrabaho abroad.
Pinatitiyak ni Immigration Commissioner Jaime Morente sa mga BI personnel sa mga immigration booths sa NAIA na nasa legal age at kwalipikado sa overseas deployment ang mga papaalis na OFW.
Sakaling duda ang mga immigration officers sa mga pasahero ay iniutos na i-refer ang mga ito sa Travel Control and Enforcement Unit (TCEU) para sa secondary inspection.
Kaugnay nito, iniutos ni BI Port Operations Division Chief Grifton Medina sa mga tauhan nito na magsagawa ng pre-screening sa mga departing OFWs at maging alerto sa mga mukhang menor de edad o nasa 23 taong gulang pababa.
Ang kautusan ay kasunod na rin ng pagkakaharang sa isang 21-anyos na Pinay sa NAIA Terminal 2 na papunta sanang Saudi Arabia para maging household service worker.
Inamin ng pasahero na hindi siya 25 anyos gaya ng nakalagay sa pasaporte nito at nalaman lang nya na binago ang kanyang kaarawan nang ibigay ng recruiter niya ang kanyang travel documents sa mismong araw ng kanyang flight.
Ulat ni Moira Encina