Bureau of Immigration nagbabala laban sa mga pekeng BI employee na nag-aalok ng serbisyo sa Facebook
Muling nagbabala ang Bureau of Immigration laban sa mga scammer sa social media na nagpapanggap na empleyado umano ng ahensya.
Ginawa ni Immigration Commissioner Jaime Morente ang babala matapos silang makatanggap ng report na may mga nagpapakilalang empleyado umano ng BI at nag-aalok ng assistance sa mga overseas worker na iligal na lalabas ng bansa patungong Japan at Middle East.
Ang nasabing scammer nakakuha na umano ng 670 libong piso mula sa ilang biktima nito.
Apila ni Morente sa publiko, huwag pumatol sa mga ganitong modus.
Samantala, nagbabala rin ang BI sa viral video sa Tiktok na humihikayat sa mga pinoy na nais makapagturo sa Thailand na magsinungaling sa immigration officers para makapagtrabaho abroad ng walang kaukulang dokumento.
Giit ng opisyal, ang mga batas ay ginawa para magbigay proteksyon at ang paglabag rito ay maaaring maging daan para malantad sa pang aabuso sa ibang bansa.
Ang mga nais aniyang maging overseas Filipino workers ay dapat kumuha ng kaukulang permits mula sa Philippine Overseas Employment Administration na ipiprisinta bago lumabas ng bansa.
Madz Moratillo