Bureau of Immigration naghigpit sa pag-iissue ng working permits sa mga banyaga
Nagpatupad ang Bureau of Immigration ng bagong panuntunan sa pag-iisyu ng special work permits at provisional work permits sa mga banyaga na nais magtrabaho sa bansa.
Sinabi ni Immigration Commissioner Jaime Morente, kinakailangang magsumite ng karagdagang dokumento ang mga dayuhan bago sila maisyuhan ng work permit.
Ilan sa mga ito ay ang dokumento na naglalaman ng haba ng pananati sa bansa ng dayuhan bilang turista; address; uri ng negosyo; pinansyal na kapasidad at mga lisensya na inisyu ng Securities and Exchange Commission at iba pang ahensya ng gobyerno para sa pag-ooperate ng negosyo.
Hindi na rin magbibigay ang BI ng work permit sa mga dayuhan na magtatrabaho bilang construction workers, cashiers, janitors, carpenters, at iba pang blue-collar jobs.
Bukod dito, ang mga professional na pinangangasiwaan ng Professional Regulation Commission ay hindi papayagan nang walang pahintulot ng PRC.
Ayon kay Morente, layunin ng paghihigpit na maprorektahan ang interes ng mga Pilipinong manggagawa bunsod ng napaulat na pagtaas sa bilang ng mga dayuhang nagtatrabaho sa Pilipinas.
Ulat ni Moira Encina