Bureau of Immigration, paiimbestigahan sa NBI ang mga ulat ng pangingikil ng ilang tauhan nito sa mga Korean national na may kinakaharap na kaso sa bansa
Hiningi na ng Bureau of Immigration (BI) ang tulong ng National Bureau of Investigation (NBI) para magsagawa ng hiwalay na imbestigasyon sa mga ulat ng pangingikil ng ilang immigration personnel sa mga Korean national na may kinakaharap na kaso at maging sa mga legal at walang kaso.
Ayon kay Immigration spokesperson Dana Sandoval, hihingin din ng kawanihan ang tulong ng Korean Embassy para makontak ang mga biktima at makakuha ng mga karagdagang detalye sa kanilang reklamo.
Tiniyak ng BI sa Korean community at iba pang dayuhan sa bansa na seryoso sila sa pagsawata sa mga iligal na aktibidad ng mga tiwaling tauhan nito.
Sumulat sa Malacañang at sa DOJ ang isang “Chang Hoon Han” upang ireklamo ang pangingikil sa kanya at ilan pang kasamang Koreano ng mga operatiba ng Intelligence Division ng BI ng 20 milyong piso para hindi sila ipadeport.
Mayroon ding 15 Korean na dinampot ng intel division ng BI mula sa Angeles, Pampanga at dinala sa tanggapan ng Immigration bureau sa Intramuros kung saan kinikilan din ng salapi para hindi kasuhan.
“We are assuring the Korean community, as well as other foreign nationals in the Philippines, that we are serious in our drive to curb illegal activities in the Bureau. We are not taking this incident lightly. We will be requesting assistance from the Korean Embassy to reach out to the victims to gather more details about their complaint, and we have also tapped the NBI to conduct a separate investigation about this incident.”
– Immigration Spokesperson Atty Dana Sandoval
Ulat ni Moira Encina