Bureau of Immigration, tiniyak na sisibakin ang kanilang mga empleyadong mapapatunayang sangkot sa umano’y “Escort service” sa NAIA
Nagsagawa na ng internal investigation ang Bureau of Immigration (BI) kaugnay sa napaulat na umano’y “escort services” para sa illegal Chinese workers na pumapasok sa bansa kung saan itinuturong sangkot ang ilang Immigration employees.
Sa panayam ng Radyo Agila kay Immigration spokesperson Dana Sandoval, may sinisiyasat na silang “weak point” sa NAIA para makumpirma nila kung mayroon talagang ganyang uri ng iligal na aktibidad.
Kung mapapatunayan namang may sangkot na Immigration employees ay kaagad nila aniyang sisibakin sa tungkulin.
Nauna nang ipinag-utos ng Department of Justice (DOJ) ang fact finding investigation ukol sa nasabing mga ulat
Muling sinabi ni Sandoval na mahigpit ang BI sa pagpapapasok sa lahat ng mga dayuhan sa bansa kasama na ang mga Chinese nationals na may mga kaduda-dudang travel documents.
Sa katunayan noong nakalipas na taon ay nasa mahigit 4,000 foreign nationals ang napabalik sa kani-kanilang mga bansa dahil sa mga pekeng dokumento at inilalagay na sa Immigration blacklist para hindi na muling makapasok ng bansa.
“Kasama yan sa investigation namin, kino-confirm natin yan at inaalam din natin ang mga posibleng biktima ng mga balita-balita na ito upang maaksyunan na agad ng ating opisina. Kung may kailangang kasuhan ng administratibo yun ang aming i-initiate”.