Busan Universal Rail Incorporated, hindi muna pinababayaran ng isang kongresista sa DOTr
Iginiit ni PBA Partylist Rep. Jericho Nograles sa Department of Transportation na huwag munang bayaran ang Busan Universal Rail Incorporated o BURI dahil sa palpalk na maintenance sa MRT3.
Ginawa ito ni Nograles matapos makaabot sa kanya ang impormasyon na hinihiling na ni MRT3 General Manager Rodolfo Garcia sa DOTr na magbayad ng ₱35.527 million sa BURI para sa maintenance service nito noong December 2016 hanggang January 2017.
Ayon sa kongresista, sa napakadalas na aberya ng MRT3 ay hindi muna dapat bayaran ang period na ito at kahit pa ang mga dati ng billing ng BURI.
Sa halip na bayaran ang BURI, nararapat pa aniyang mag-demand ang gobyerno ng refund dito dahil hindi naman natupad ang obligasyon nito sa ilalim ng maintenance contract.
Nagtataka si Nograles kung bakit minamadali ni Garcia ang pagbabayad ng DOTr sa BURI samantalang may kuwestyon din sa validity ng maintenance service contract na iginawad ng Aquino administration sa kumpanyang ito.
Ulat ni: Madelyn Villar – Moratillo