Business community, pinuri ang itinalagang economic team ng incoming Marcos Government
Ikinatuwa ng business community ang mga napiling economic managers ni President-elect Bongbong Marcos Jr.
Kabilang sa mga pinangalanan ni Marcos na magiging parte ng economic team niya sina BSP Governor Benjamin Diokno na magsisilbing finance secretary at BSP Monetary Board Member Felipe Medalla na papalit kay Diokno na central bank chief.
Tinukoy din ni Marcos si Arsenio Balisacan bilang National Economic Development Authority (NEDA) secretary at dating UP President Alfredo Pascual na kalihim ng trade and industry department.
Sa isang statement, inilarawan ni Philippine Chamber of Commerce and Industry
(PCCI) President George Barcelon na “seasoned” at “competent” na economic leaders ang lahat ng mga nabanggit kaya maayos nilang magagampanan ang kanilang trabaho.
Positibo rin aniya ang PCCI na magdudulot ng kumpiyansa sa parehong local at foreign businesses ang pagkakahirang sa incoming economic team.
Ayon pa sa PCCI, mapalad ang Pilipinas dahil mayroon itong matibay na pundasyon at isa sa mga fastest-growing economies sa Asya.
Gayunman, aminado ang business group na may mga economic policy issues pa rin na kailangang matugunan para mapabilis ang growth momentum ng bansa.
Moira Encina