Buwan ng Wikang Pambansa, ginunita ng Komisyon sa Wikang Filipino
Batay sa pampanguluhang proklamasyon Blg. 1041 noong 1997, pangungunahan ng Komisyon ng Wikang Filipino ang pagdiriwang ng buwan ng wikang pambansa.
Idinaraos ito tuwing Agosto 1-31.
Sa taong ito, ang tema ng selebrasyon ay “Filipino: wikang mapagbago.”
Sa okasyong ito, nagpahatid din ng pagbati sa KWF si Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa kanyang mensahe, nagpahayag ng kasiyahan ang Pangulo dahil ang tema ng pagdiriwang ng buwan ng wikang pambansa ay naaangkop sa hangaring maitaguyod ang mga repormang higit na makapagpapatatag sa Pilipinas.
Ayon kay Pangulong Duterte, mas nakilala sa buong mundo ang ating pagka Filipino.
Patuloy rin aniyang maghahanap ng paraan ang administrasyon upang maisakatuparan ang mga layuning babago sa kalidad ng buhay at sa kasalukuyang estado ng bayan.
Samantala sa ginanap namang gabi ng gawad, binigyan ng KWF ng pagkilala ang mga natatanging indibidual na may kontribusyon sa lipunan sa ibat’ibang kategorya.
Kabilang dito ang Gawad Dangal ng Wika na pinakamataas na pagkilala na iginagawad lamang sa mga piling piling indibidual na may angking kontribusyon sa lipunan para higit na umangat ang Filipino sa ibat’ibang larangan.
Ito ay ipinagkaloob kay Masanao Oue mula sa unibersidad ng Osaka, Japan.
Bagaman isang Japanese National si Oue, sinisikap niyang itaguyod at isulong ang wikang pambansa ng Pilipinas sa kanilang bansa.
Siya ang nagtuturo ng Filipino language sa bansang hapon.
Para naman kay Ginoong Roberto Añonuevo, direktor heneral ng KWF, kailangan ng bansa natin ang katulad ni ginoong Oue na bagaman hindi natin kalahi ay nagsisikap na isulong ang wikang pambansa ng Pilipinas.
Samantala, bukod kay Oue, pinarangalan naman bilang kampeon ng wika si Ginoong John E. Barrios. ang kampeon ng wika ay iginagawad sa mga piling idibiduwal at insitutusyon na ipinalalaganap ang wikang Filipino at mga wikang katutubo sa kani kaniyang larangan.
Binigyang pagkilala rin ang mga mananaysay ng taon na tinawag na gawad KWF sa sanaysay.
Binigyang diin pa ni Añonuevo na dumarating na ang pagbabago na tila pelikula ngunit posibleng hindi natin ito basta nakikita.
Ulat ni: Anabelle Surara