CA, ibinasura ang petisyon para ipawalang-bisa ang ipinatupad ng gobyerno na mas mababang taxi flagdown rate
Ibinasura ng Court of Appeals ang petisyon laban sa desisyon noong 2016 ng LTFRB na pababain ang flag-down rate ng taxi sa 30 pesos mula 40 pesos.
Sa resolusyon ng CA thirteenth division, idinismiss nito ang petisyon na inihain ng Fair Organization of Taxi Drivers of the Philippines Inc. at Alliance of National Urban Poor Organizations Assembly Inc. dahil sa teknikalidad.
Ayon sa Appellate Court, nabigo ang petitioners na tumugon sa kautusan nito na itama ang mga depekto sa kanilang pleading.
Paliwanag ng CA, alinsunod sa Rule 46, Section 3 ng rules of civil procedure ang kabiguan na tumugon sa mga requirement sa paghahain ng petisyon ay sapat na batayan para ibasura ito.
Kinuwestyon ng mga taxi groups ang desisyon ng LTFRB noong March 2016 na fare rollback dahil sa pagtaas ng labor cost at presyo ng basic commodities.
Ulat ni: Moira Encina