CA ibinasura rin ang isa pang hirit na TRO ni Sen. de Lima kaugnay sa imbestigasyon ng DOJ sa pagtanggap niya ng drug money mula kay Kerwin Espinosa
Ibinasura na rin ng Court of Appeals ang petisyon ni Senadora Leila de Lima na humihiling na pigilan ang imbestigasyon ng DOJ kaugnay sa sinasabing pagtanggap niya ng drug money mula sa itinuturong drug lord ng Eastern Visayas na si Kerwin Espinosa.
Ang naturang kaso laban kay de Lima ay nakasalang sa automatic review ng DOJ matapos na idismiss ito ng panel of prosecutors.
Ayon sa CA Special 6th Division, nabigo si de Lima na magpakita ng katibayan na siya ay magdaranas ng irreparable injury kapag hindi naipalabas ang TRO.
Kaugnay nito ay pinagsusumite ang DOJ ng komento sa petisyon sa loob ng sampung araw.
Binigyan din ng CA si de Lima ng 10 araw para magsumite ng reply sa komento ng DOJ.
Una nang ibinasura ng Appellate Court ang unang TRO petition ni de Lima laban sa preliminary investigation ng DOJ kaugnay sa pagkakadawit niya sa illegal drug trading sa New Bilibid Prisons.
Ang pagbasura sa ikalawang TRO petition ni de Lima ay kasunod na rin ng desisyon ng ca Special 6th Division na tanggapin ang consolidation ng dalawang apela ni de Lima laban sa DOJ.
Ulat ni: Moira Encina