CA Justice Bruselas ipinagharap ng admin case sa SC dahil sa mabagal na aksyon sa habeas corpus petition ng Pharmally execs
Ipinagharap ng kasong administratibo sa Korte Suprema si Court of Appeals Associate Justice Apolinario Bruselas Jr. kaugnay ng umano’y mabagal na pag-aksyon sa Writ of Habeas Corpus petition ng Pharmally executives.
Ang reklamo ay inihain ng kampo ni Mohit Dargani ng Pharmally Pharmaceutical sa SC-Judicial Integrity Board kung saan iginiit nito na nilabag ni Bruselas bilang Presiding Justice ng CA 5th Division ang New Code of Judicial Conduct for the Philippine Judiciary dahil sa kawalang aksyon sa nasabing petisyon.
Ang magkapatid na sina Mohit at Twinkle Dargani ay una ng naghain ng petisyon para sa Writ of Habeas Corpus sa CA dahil sa patuloy na pagkakadetine sa Pasay City Jail.
Matatandaang una nang pinatawan ng contempt ng Senado ang dalawa.
Ayon sa kampo ng mga Dargani, inabot ng limang buwan bago naglabas ng resolusyon ang CA 5th Division sa petisyon kung saan ang sinabi lang ay moot and academic na ang petisyon ni Twinkle dahil nakalaya na ito.
Wala namang binanggit patungkol kay Mohit na nakapiit parin sa Pasay City Jail.
Hiniling rin ng kampo ni Mohit na mag-inhibit si Justice Bruselas sa kanyang inihaing Motion for Inhibition.
Madelyn Moratillo